Sikat PhotoShow

3K PhotoShow

Wednesday, October 8, 2008

Pribilehiyo at Diskriminasyon sa Kongreso

Halos tatlong linggo na ring nakasalang sa plenaryo ang kontrobersyal na Reproductive Health Bill. Tatlong linggo na ring dumadalo ang kababaihan, kabataan at maging kalalakihan sa mga plenaryo.

Iba’t ibang pribilehiyo at diskriminasyon ang nasaksihan ng mga taga-komunidad sa pagpunta sa Kongreso. Nitong mga nakaraang linggo, mistulang box office ang pila sa pagpasok sa main lobby, umaraw man o umulan. Disiplinadong nakatayo at nakapila ang mga tao. Mula sa gate, main lobby at session hall ay mahigpit pa rin ang seguridad sa pagpapapasok ng mga makikinig sa plenaryo hanggang noong Martes (Setyembre 30). Halos ipabulatlat ang mga laman ng bag ng mga taga komunidad. Maging ang mga pitaka nila ay ipinadaan ng mga gwardiya sa x-ray machine. Pinatataas ang damit at todo ang pagkapkap sa kalalakihan samantalang ang mga taga-simbahan ay maluwag na nakakapasok sa loob ng session hall at mistulang ”eminent persons” kung alalayan ng mga securiy guards.

Ang mga katulad ni Ma. Fe Dival ng MOTHERS organization ay sinusugod ang baha sa Malabon para lamang masaksihan ang pagdinig sa panukalang batas na ito dahil mahalaga ang reproductive health sa mga mahihirap.

Isa rin sa mga masugid na tagasubaybay ng deliberasyon sa Kongreso ang 84 years old na si Maria Gabrinao, lola ng 20 mga apo sa 8 na anak. Sa kanyang edad, napakahalaga para sa kanya ang reproductive health dahil kasama rito ang kalusugan nila at makikinabang din ang mga nakatatanda. Madalas na pag-isipan ng mga taga-simbahan at mga gwardiya ng Kongreso na binabayaran ang mga taga-komunidad na sumusuporta sa reproductive health. Ang madalas nilang tanong ay kung magkano o ilang kilong bigas ang ibinabayad sa mga RH Bill supporters para pumunta sa Kongreso. “Hindi kami kailangang bayaran para sumusporta sa RH Bill. Pumupunta kami rito dahil mahalagang usapin ito ng mga mahihirap.” Ito ang sagot ni Joey Galicia, kasama ang maybahay niyang si Febry Fabella-Galicia, sa tanong ng taga-Catholic Women’s League sa kanila.

Noong Martes, Ika-30 ng Setyembre 2008, sabik na mapakinggan ng mga tao ang debateng magaganap kaugnay sa isyu ng RH Bill. Diskumpyado ang mga RH supporters sa mga humarang na talakayin ito. Lagi nilang kinikwestiyon ang quorum at dinadaan sa roll call para hindi matuloy ang debate. Tila takot sa debate ang mga kongresistang ayaw magtrabaho kahit pinapasweldo ng taumbayan.

Gayunpaman, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga nagsusulong sa reproductive health. Patuloy na iinit ang pagsuporta ng masa para sa pagpasa ng panukalang batas na ito. Kami ay nananawagan na ituloy ang deliberasyon sa reproductive health bill sa Kongreso upang marinig ng publiko ang katotohanan na: Ang reproductive health ay pro-choice, pro-women, pro-life, pro-poor at pro-family.


Pinagsamang Lakas ng Kababaihan at Kabataan
Oktubre 2008

No comments:

Featured Video: I-Witness: "Papa, papa, paano ako ginawa?"