Kami ay naniniwala na ang sinusulong na Reproductive Health, Responsible Parenthood and Population Management Bill o HB 5043 ay makababawas sa bilang ng mga babaeng nalalagay ang buhay sa bingit ng kamatayan bunga ng pagbubuntis at panganganak. Taun-taon ay may 2,000 kababaihan ang namamatay sa panganganak.
Kung may batas at pondo kaugnay sa reproductive health, pantay na makakapili ang mga magpartner ng pamamaraan sa pagpaplano ng pamilya, maging natural o artipisyal man. Maaaring masiguro ang pagkakaroon ng mga suplay sa pagpaplano ng pamilya gaya ng condom, pills, IUD at injectable sa mga pampublikong klinika at ospital. Kung mangyayari ito, maaaring maiwasan ng mga kababaihan ang di-planadong pagbubuntis. Halos kalahati ng ipinagbuntis ng mga kababaihan ay hindi planado at ang ilan ay humahantong sa di-ligtas na pagpapalaglag na maaari rin nilang ikamatay.
Kung may batas at pondo kaugnay sa reproductive health, magkakaroon ng sapat at tamang impormasyon at edukasyon ang mga kabataang Pilipino kaugnay sa pangangalaga ng kanilang katawan at pagkakapantay-pantay ng babae at lalaki. Higit na mapangangalagaan ng mga kabataan ang kanilang katawan at mapapaunlad ang sarili kung maituturo ang kalusugan at karapatang pangreproduktibo sa mga pampublikong paaralan. Sa ngayon, tinatayang apat na milyong kabataan edad 15-24 ang nakikipagtalik na at ang karamihan sa kanila ay hindi nakapag-iingat bunga ng kawalan o kakapusan ng impormasyon tungkol sa kanilang mga katawan. Paano magiging pag-asa ng bayan ang mga kabataan na hindi alam kung paano alagaan ang kanilang katawan?
Kung kaya’t kami sa PiLaKK ay buo ang aming pagsuporta sa pagpasa ng pambansang batas kaugnay sa kalusugang pangreproduktibo at sa mga mambabatas na tumataguyod nito.
No comments:
Post a Comment