Mga Karanasan at Kwento ng Kababaihan at Kalalakihan ng Maralitang KomunidadAng sumusunod ay mga salaysay mula sa Apelo Women’s Health Association (AWHA) at Boses ng Kabataang Pilipino (BKP) batay sa pitong araw nilang pagsubaybay sa deliberasyong plenaryo ng Kamara de Representante tungkol sa Reproductive Health, Responsible Parenthood and Population Management o HB 5043. Ang AWHA at BKP ay mga samahan ng kababaihan at Kabataan sa Pasay City na sumusuporta sa reproductive health.
Ako si Gina Conde, bilang kinatawan ng samahan, naobserbahan ko ang pagkakaroon ng diskriminasyon ng mga kawani (guard) ng HOR. Kapag ang pumapasok ay mga madre, mga worker ng simbahan, guro kasama ang kanilang mga estudyante, walang masyadong tanong at madali silang nakakapasok kahit pa huli silang dumating.
Kahit sa paggawa ng ingay, sa pagpapakita ng emosyon, sa pagpalakpak, hindi sila sinasaway ng mga bantay. Kapag kagalang-galang ang kasuotan, makikita mo ang respetong pagtrato sa kanila na hindi namin naranasan minsan man.
Isang halimbawa ang pangyayari noong September 17 sa 2nd floor North Wing Gallery na hindi ko malilimutan. May dalawang hilera ng upuan sa unahan ang nabakante dahil sa pag-alis ng mga estudyante. Pinalipat ng guard ang mga tao. Nang makalipat na ang mga tao biglang bumalik ang mga umalis kung kaya’t nagkaroon ng konting ingay o bulungan. Nagulat na lang kami nang biglang sumigaw ang guard at pinatatahimik kami na parang ang sinasaway ay mga batang paslit. Sa pagsigaw na iyon, biglang nagkaroon ng katahimikan subalit patuloy sa pasigaw na pagsasalita ang guard at kung anu-ano ang sinasabi. Hindi ako nakatiis at sinabihan ko siya na Kuya, ‘wag naman ganyan ang pagsaway. Hindi kami mga batang paslit. Tao kami na dapat din namang igalang. Sa ginawa kong yun, napagsabihan pa ako na, “Tatandaan ko ang pagmumukha mo!” Grabe! Nagtatrabaho lang sila sa loob ng Kongreso, ‘kala mo kung sino na.
* * *
Ang mag-asawang Febry Fabella, 22 taong gulang at Joey Galicia, 23 taong gulang na may isang anak ay kasama sa mga naniniwala na malaking tulong sa kanila ang Reproductive Health Bill. Dahil sa mithiing maipasa ang bill, ang nag-iisa nilang anak na tatlong taong gulang ay iniwan sa kapitbahay upang pumunta sa Kongreso. Nalulungkot silang mag-asawa at nagagalit sa guard na nagtanong sa kanila kung magkano ang bayad sa kanila. Sinagot ni Joey ang guard na, “Manong, ang pagpunta po namin dito ay kusang-loob at walang kapalit kahit na singko sentimos. Katunayan, ako po ay may trabaho. Nagpaalam ako sa amo ko na hindi muna papasok sapagkat nais kung ipakita ang suporta sa Reproductive Health Bill. Kailangan namin ito para mapagplanuhan nang maayos ang aming kinabukasan at para ito sa misis ko.”
* * *
Si Aling Linda Unlayao, 67 taong gulang, residente ng Apelo Cruz, Pasay at kasapi ng AWHA, ay kabilang sa pumunta at nagpakita ng suporta sa RH bill. Sabi niya sa amin, “Sa 7 araw na pagpunta ko sa Kongreso ay labis ang ginaw na naramdaman ko sa loob. Maya-maya akong umiihi. May mga pagkakataon na nahihirapan ako sa pag-akyat sa hagdan pero oki lang! Pag naipasa ang panukala, ito ang magandang pamana ko sa aking mga anak at apo.”
* * *
May mga kasama rin kaming mga estudyante. Isa na si Carmela Verso, edad 16, 4th year high school. Sabi niya sa nanay niya, “Ma, paano naman maipapasa ang bawat bill? Hindi naman nakikinig ang mga kongresista, lakad sila nang lakad at nagdadaldalan.
* * *
Ganon din ang obserbasyon ng asawa kong si Luis Conde sa dalawang beses niyang pakikinig sa RH hearing. Sabi niya hindi magandang halimbawa ang ginagawa ng mga kongresista. May mga kabataan at estudyante pa namang pumupunta at nag-oobserba rito. Late silang dadating at uuwi agad kahit hindi pa tapos ang session. May palakad-lakad, lalabas at magdadaldalan. Pinagsasabihan ang mga tao na ‘wag maingay pero ang mga kongresista ang malalakas ang boses. Paano mapag-uusapan nang maayos ang batas kung ganyan ang kanilang gagawin? Tulad noong September 30, humirit na naman ng rollcall ang mga anti-RH bill. Kung hindi magko-korum, suspended na naman ang pagdinig. Sayang ang ipinasusweldo sa kanila.
* * *
Ang mga kwentong ito ay ilan lamang sa mga karanasan ng mga nagsipagpunta sa Kongreso. Kung magagawa lamang naming kausapin ang lahat ng aming mga kasama, malamang hindi lang ito ang maisusulat na mga karanasan.
Kami sa AWHA at BKP ay nananawagan na bigyang pansin ang mga tunay na karanasan naming mamamayan sa pitong araw na pabalik-balik sa Kongreso upang dinggin ang deliberasyon ng Reproductive Health, Responsible Parenthood and Population Management o HB 5043. Huwag sanang ipagwalang bahala ang obserbasyon ng kababaihan, kabataan at maging ng kalalakihan sa patakarang nagaganap sa loob ng Kongreso.
Apelo Women’s Health Association (AWHA)
Boses ng Kabataang Pilipino (BKP)
704 -A52 Apelo Cruz St.
Brgy. 157 Zone 16, Pasay City
Tel.no. 853-74-30
No comments:
Post a Comment