Mga Kwentong Buhay ng mga Ordinaryong Taong Tumuntong sa Kongreso
Sa mga nagdaang talakayan ng mga mambabatas kaugnay sa Reproductive Health, Responsible Parenthood and Population Management Bill o HB 5043, maraming mga ordinaryong kasapi ng komunidad ang masugid na sumubaybay dito. Narito ang mga salaysay ng ilan sa kanila—kababaihan at kalalakihan ng Malabon, kasama ang kanilang buong pamilya—kung bakit mahalaga sa kanila ang reproductive health.
Si Eliza Patricio ay may 8 anak at 2 apo. Paglalagay ng yelo sa isda sa fish port ng Navotas ang trabaho ng asawa niya. Dahil sa kagustuhang matigil na ang kanyang pagbubuntis, ninais ni Eliza na magpatali (Bilateral Tubal Ligation). Nahirapan siya na kumbinsihin at papirmahin ang asawa sa consent form para magawa na ang operasyon. Iba’t ibang pamamaraan na ang kanyang ginawa para makumbinsi ang asawa na pumirma.
* * *
Isa si Rosela Mahinay sa masigasig na sumama sa bawat lakad sa Kongreso kahit na may inaasikaso pa siyang anak na may problema sa pag-iisip. Dama ni Rosela ang hirap sa pagbubuntis at panganganak. Nakikita niya rin sa kanilang komunidad ang iba’t ibang klase ng kumplikasyon na nararanasan ng mga babae bunga ng hindi planadong pagbubuntis.
* * *
Sina Lola Maria Gabrinao, Lola Leonisa Pacala at Lola Adoracion Marin ang tinaguriang “Tres Marias” na tagasuporta sa RH Bill. Si Lola Maria ay may 8 anak at 20 apo. Madalas, si Lola Maria ang nag-aalaga ng maliliit na apo niya sa panahon na nagtatrabaho ang kanyang mga anak. Si Lola Leonisa naman ay 76 anyos, 9 ang anak at may 32 apo. Tulad ni Lola Maria, ramdam din niya ang hirap ng buhay sa pagpapalaki ng kanyang mga anak at apo. Si Lola Adoracion ay 64 anyos na, 3 ang anak at 3 ang apo. Maliit ang bilang ng pamilya ni Lola Adoracion. Palaging ipinaiintindi ni Lola sa kanyang mga apo ang kahalagahan ng pagpaplano ng pamilya upang mas maayos at maunlad ang takbo ng buhay. Sila Lola Maria, Lola Leonisa at Lola Adoracion ay matapang na naninindigan sa pagsuporta sa pagsasabatas ng RH Bill. Madalas nilang sabihin na hindi lang pangkabataan ang usaping ito. Maging silang mga may-edad na ay nagpapahalaga sa kalusugang pangreproduktibo dahil tulad nila, may pangangailangan din sila sa usaping ito.
* * *
Mahalagang maipaglaban ng kababaihan ang kanilang mga karapatan lalo na sa usapin ng katawan. Ito ang katwiran ni Shirley Quitlong, 52 taong gulang, may 5 anak at 5 apo. Sa kabila ng tindi ng pangangailangang mabuhay, pansamantalang nagsasara ng tindahan ng ulam si Shirley upang isigaw at ipaglaban ang kaniyang karapatan kaugnay sa kalusugang pangreproduktibo.
* * *
Ang buong pamilya nina Oscar at Merlita Ala ay laging sumasama sa Kongreso sa pagsubaybay at pagsuporta sa panukalang batas kaugnay sa Reproductive Health. Para sa kanila, usapin ito ng buong pamilya na kailangang pagtuunan ng pansin at itaguyod. Mahalaga na napag-uusapan ang mga ganitong usapin sa loob ng kanilang tahanan. Naniniwala sila na ang mga magulang ang pangunahing tao na dapat na nagsisimula sa pagtalakay ng mga ito. Ngunit, napakahalaga sa kanila na may mga institusyong sumusuporta sa tama at naaayon sa edad na pagtalakay sa usaping pangreproduktibo ng kanilang mga anak.
Mothers Organization for Total Health, Education, Research and Services (MOTHERS)
Kaunlaran, Kapayapaan at Katarungan para sa Kabataan (3K)
Lot 3, Block 13, Phase 2, Paradise Village
Letre, Tonsuya, Malabon City
Tel. No.: 288-79-81
No comments:
Post a Comment